MENU

Ang Embahada ng Republika ng Pilipinas sa Korea ay nais paalalahanan ang lahat ng mga kababayan na naninirahan dito sa Korea na mag-iingat sa mga online scams.

Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga naglipang online scams dito sa Korea: 

  1. Online Dating Services/Romance Scam.

May nakilala ka sa Facebook at kalaunan, kayo ay nagkaroon ng relasyon “online”. Kahit hindi pa kayo nagkita sa personal ay humihingi na ang iyong “partner” ng pera. Kabilang sa mga dahilan ng paghingi ng pera ay investment, o tulong para sa may nangangailangan na kamag-anak sa Pilipinas, o para tustusan ang pangangailangan ng inyong “partner”.

  1. Mga alok na trabaho sa online.

Mag-ingat sa mga anunsiyo sa social media sites katulad ng Facebook, na nag-aalok ng magandang trabaho at malaking pasahod. Marami sa mga trabahong ito ay sangkot sa mga illegal na aktibidades kagaya ng voice, text, o email phishing na bumibiktima ng mga may edad na Koreano. Kadalasan, ang mga trabahong ibinibigay ay bilang mensahero o tagahatid ng mga kalakal. Ang Filipino ay uutusan ng among Koreano sa pamamagitan ng Facebook, tawag sa telepono, o text lamang.  

  1. Voice, SMS (text) and/or email phishing.

Ikaw ay nakatanggap ng email, text, tawag sa telepono, o mensahe sa FB messenger at iba pang social media sites mula sa tao o organisasyon na nagpapakilala sa iyo at humihingi ng mga impormasyong personal katulad ng inyong bank account numbers, detalye ng inyong credit card, passwords at iba pang tungkol sa iyong pagkakakilanlan (personal identity).

  1. Online selling scam.

Mga patalastas sa social media na nag-aalok ng mga kalakal, kagaya ng mga gadgets sa mababang halaga. Ang mamimili ay kokontakin ng dealer sa pamamagitan ng text o tawag, o message sa FB Messenger at bibigyan ng instruksiyon na ang bayad sa kalakal ay sa pamamagitan ng bank transfer. Maraming pagkakataon na ang mga kalakal ay hindi ipinapadala sa mamimili.

Anu-ano ang mga gagawin kung ikaw ay naniniwalang nabibiktima ka ng mga online scams:

  1. Magiging mapaghinala sa mga taong hindi mo kakilala ng lubosan at humihingi sa inyo ng pera o gamit sa pamamagitang ng internet o sa Facebook o sa iba pang networking sites.
  2. Huwag magpadala or mag transfer ng pera sa mga taong hindi mo personal na kakilala. Huwag madaliang ipamimigay ang inyong pinaghirapang pera. Alalahanin ninyo na ang perang inyong naipamigay ay hindi na maibabalik sa inyo.
  1. Laging tandaan na ang sahod ay katumbas lamang ng trabaho o serbisyo na ginawa o gagawin. Kung ikaw ay inaalok ng napakalaking sahod para sa isang magaan na trabaho, mag-ingat at baka ang trabahong ito ay ilegal o peke.
  1. Suriing mabuti ang pagkakakilanlan ng taong nakipag ugnayan sa inyo sa social media. Gumawa ng isang masusing pagsasaliksik patungkol sa kumpanya na inyong gustong pasukan o sa taong nakilala lamang ninyo sa social media.
  1. Huwag magbigay ng personal o pampinansyal na impormasyon sa mga tao o negosyo na hindi mo nasuri ang pagkakakilanlan.
  1. Palagiang i-secure ang inyong online identity. Ingatan ang inyong mga login activities at passwords.
  1. Agad na wakasan ang inyong komunikasyon sa isang pinaghihinalaang scammer.
  1. Agad na ipagbigay alam sa police ang insidente. Maaring hindi na maibalik ang iyong pera na naibigay sa scammer ngunit mapipigilan mong mabiktima ang iyong kapwa.

Para sa karagdagang impormasyon, maaari po kayong tumawag sa ATN Hotline ng Embassy sa numerong 010 9263-8119. END

 20 November 2020